Search and rescue team walang X’mas vacation -NDRRMC
MANILA, Philippines - Dahilan marami pang hinahanap na nawawalang biktima sa delubyo ng pananalasa ng bagyong Pablo, wala munang bakasyon ang tropa ng mga sundalo na nagsasagawa ng search and rescue operations sa Compostela Valley at Davao Oriental.
Ito ang inihayag kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos.
Sa kasalukuyan ayon kay Ramos , wala pang time frame kung kailan ititigil ang search and rescue operation sa may 834 pang nawawalang biktima ng landslide at flashflood.
Ang Compostela Valley at ang mga bayan ng Cateel, Boston at Baganga ang grabeng sinalanta ng bagyong Pablo.
Sa tala ng NDRRMC, umaabot sa 1,067 ang mga biktima ng bagyong Pablo na nasawi sa kalamidad na tumama sa nasabing mga lugar noong Disyembre 4 ng taong ito.
Sa nasabing bilang ng mga nasawi ay nasa 725 lang ang nakilala habang 342 naman ang hindi nakilala.
Una nang nagsagawa ng mass burial sa mahigit 200 katao sa New Bataan, Compostela Valley kamakailan.
- Latest