MANILA, Philippines - Isinulong ng mga mambabatas ang panukalang pagbuo ng Police Training and Development System (PTDS) na siyang magsisilbing pangunahing training institute sa mga bagong police recruits.
Sa ilalim ng House Bill 6732 na inihain nina Reps. Rodolfo Antonino (Nueva Ecija) at Pablo John Garcia (Cebu), ang lahat ng police training schools ay pagsasamahin sa ilalim ng PTDS.
Ang PTDS ay bubuuin ng Philippine National Police Academy (PNPA), Police National Training Institute (PNTI) at mga regional training schools nito, National Police College (NPC), National Forensic Science Training Institute (NFSTI) at iba pang institutes o special training centers.
Sinabi ni Antonino na dapat direktang nasa ilalim ang mga police academies at training schools sa pinuno ng police force ng bansa, tulad ng bansang United Kingdom at United States.
Nakapaloob pa sa panukala na ang Fire National Training Institute (FNTI) at Jail National Training Institute (JNTI) ay sasailalim naman sa pangangasiwa ng De partment of Interior and Local Government (DILG).
Matitigil naman ang PNP Training Service bilang National Support Unit ng PNP at ilalagay sa ilalim ng PTDS. Ang mga civilian employees ng PPSC ay kukunin ng PTDS. Subalit, kung nais nilang lumipat sa JNTI at FNTI ay pinapayagan ito ng panukala.