MANILA, Philippines - Nakahanda ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na magdagdag ng karagdagang puwersa sa provincial capitol ng Cebu City sa gitna na rin ng umiinit na tensyon sa nasabing lungsod.
Ito’y matapos na magmatigas si Cebu Governor Gwendolyn Garcia na lisanin ang kaniyang puwesto kaugnay ng 6 buwang ‘suspension order’ na ipinataw kamakalawa ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagtitipon sa kapitolyo ng pamahalaang lokal ng Cebu ang mga nagbi-vigil na tagasuporta ng gobernadora na mahigpit na binabantayan ng mga pulis para maiwasan ang pagsiklab ng kaguluhan.
Sinabi ni PNP Chief Alan Purisima na pangunahing tungkulin ng mga pulis ay panatilihin ang kapayapaan sa lugar na siyang dapat mangibabaw.
Sa isang television interview ay sinabi naman ni Garcia na hindi niya lilisanin ang Provincial Capitol at lalaban siya hanggang sa huli kung saan simula pa noong Huwebes ay hindi sila umaalis ng kanilang mga staff sa kaniyang tanggapan at wala pang tulog.
“With all due respect Sec. Roxas, I am only respecting the mandate of the people of Cebu. The Cebuanos have spoken in the last two elections,” giit nito na sinabi pang ipagpapatuloy niya ang pagsisilbi sa mga mamamayan sa kaniyang nasasakupan.
Ang gobernadora ay tumatakbong kongresista sa ikatlong distrito ng Cebu sa ilalim ng partido ng United Nationalist Alliance (UNA).
Kinuwestiyon rin ng gobernadora ang legalidad ng ‘suspension order’ dahil labag umano ito sa batas at sa Local Government Code kung saan matapos itong suspendihin ay pinanumpa naman ng DILG si Cebu Vice Gov. Agnes Almendras Magpale.
Idinagdag pa ni Garcia na magsasampa ang kaniyang mga abogado ng Temporary Restraining Order upang harangin ang nasabing hakbangin sa umano’y pang-aagaw sa kaniya sa kapangyarihan.