MANILA, Philippines - Tumulak na kahapon ang 157 “All Navy “ contingent ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang magsilbing peacekeeping force ng United Nations (UN) sa Haiti na patuloy na binubulabog ng kaguluhan.
Sa send-off ceremony kahapon sa Villamor Air Base, pinangunahan ni Navy Chief Vice Admiral Jose Luis Alano ang pagbibigay paalala sa ‘All Navy contingent’ na huwag bibiguin ang AFP sa misyon nito sa Haiti.
Binubuo ang mga peacekeepers ng 12 opisyal at 145 personnel sa pamumuno ni Col. Jimmy Lareda.
Sinabi ni Navy spokesman Lt. Col. Omar Tonsay na sinundo ang mga peacekeepers ng UN private aircraft kahapon ng umaga sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Ito ang ika-16 contingent sa UN Peacekeeping Force na papalit naman sa ika-15 All Navy contingent doon sa susunod na mga araw.
“Ang mga ito ay inatasang magbigay ng perimeter security sa Force Headquarters ng UN Mission, magbigay ng administrative at logistics clerical services sa Force Headquarters, mag-operate ng mga military vehicles doon at magbigay ng VIP security sa Force Headquarters,” sabi ni Tonsay.
Manunungkulan sa Haiti sa loob ng 6-9 buwan ang mga peacekeepers at papalitan ng panibagong contingent.