MANILA, Philippines - Pito katao kabilang ang anim na doktor ang nasa kritikal na kondisyon matapos na mabahiran ng trahedya ang isasagawa sanang medical mission sa mga sinalanta ng bagyong Pablo nang aksidenteng bumaligtad ang sinasakyan ng mga ito sa Baganga, Davao Oriental.
Sa phone interview, sinabi ni Major Jacob Thaddeus Obligado, Chief ng Army’s 10th Civil Military Operations Battalion, naganap ang sakuna sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Saoquigue, Baganga bandang alas-4:15 ng hapon.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Dr. Nic Cantero, Dr. Almatin Dimaucom, Dr. Nor-Avin Salic, Dr. Junnah Mangacoy, Dr. Grace Espinosa, Dr. Tahir Sahalic at ang driver na si Tuy Pangilan.
Bukod kay Dr. Sahalik, lahat ng biktima ay nasa kritikal na kondisyon.
Base sa imbestigasyon, ang nasabing mga doktor ay mula sa Provincial Health Office ng Maguindanao na magsasagawa sana ng medical mission sa Incident Command Post (ICP) sa bayan ng Baganga, isa sa tatlong bayan sa Davao Oriental na maraming nagkasakit na evacuees at ng iba pang naapektuhan sa pananalanta ni Pablo mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na may iniwasang motor ang kulay itim na Pajero na sinasakyan ng mga biktima habang bumabagtas ang mga ito sa national highway ng nasabing lugar na nagbunsod sa pagsalpok sa puno ng behikulo.
Sa lakas ng pagkakabangga ay bumaligtad pa ang behikulo na halos nayupi sa insidente na ikinasugat ng mga biktima kabilang ang anim na doktor, lima rito ay nasa kritikal na kondisyon gayundin ang driver na sibilyan.