MANILA, Philippines - Pinupuwersa umano si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Leonardo Espina upang magpalabas na ng agarang resulta sa kanilang isinasagawang imbestigasyon ukol sa ibinunyag ni SPO3 Alexander Saez sa ni-recycle na shabu na kinasasangkutan umano ng hepe ng Taguig Police at 9 na iba pa.
Ayon sa source sa loob ng NCRPO, nais umano ng kampo ni Taguig Rep. Freddie Tinga na “madiin” ang Taguig Police sa shabu recycling na kasiraan naman sa kasalukuyang administrasyon ng lungsod, gayundin ay maipalabas ang resulta nito bago pa matapos ang 30 day period na ibinigay ng NCRPO sa Regional Investigation and Intelligence Division na nag-iimbestiga sa kaso.
Una nang pinagdududahan ang motibo sa naging pagbubunyag ni Saez na kilala umanong kaalyado ng kongresista dahil na rin sa una itong lumapit sa media para isiwalat ang kanyang mga alegasyon sa halip na ipadaan ang reklamo sa PNP na kung saan siya ay kaanib bilang pulis.
Makailang beses umanong nakipag-ugnayan ang kongresista kay Espina para humingi ng update sa isinasagawa nitong imbestigasyon ngunit naging matigas naman umano ang opisyal at sinabing nasa proseso pa ang imbestigasyon at lubhang maaga pa para magbigay ng konklusyon.
Sa panig ni Espina ay tiniyak naman nito ang patas at mabilis na pagresolba sa alegasyon ni Saez lalo pa at buong Taguig Police umano ang inaakusahan nito. Subalit kung mapapatunayan umanong paninira lamang ang mga akusasyon at walang sapat na ebidensya ay maaari ring managot si Saez.
Ito ay matapos umanong umamin si Saez na ginagawa n’ya ang pagbebenta ng mga nakumpiskang shabu habang nakatalaga ito bilang imbestigador sa Taguig Police.