MANILA, Philippines - Ipinadama ng mga estudyante ng mga public school mula sa National Capital Region (NCR) ang tunay na diwa ng Pasko sa mga biktima ng bagyong Pablo sa Visayas at Mindanao matapos na magkaloob ng donasyon sa kanila.
Sa isang simpleng turnover ceremony sa Bulwagan ng Karunungan sa DepEd Central Office, ay ibinigay ng mga NCR students kay Education Secretary Armin Luistro ang kanilang nalikom na coin donations para sa mga typhoon victims.
Umaabot sa kabuuang P1,254,499.05 ang halagang nalikom sa isinagawang limang araw na fund drive na sinimulan ng DepEd-NCR sa pamamagitan ng regional memorandum na inisyu nito sa lahat ng public schools sa rehiyon.
Laking pasalamat naman ni Luistro sa DepEd-NCR, public schools at sa mga mag-aaral.
Anang Kalihim, higit pa sa halaga ng kanilang naipagkaloob ay mas importante ang tulong na mula sa mga ordinaryong tao upang makibahagi sa pagdurusa sa kanila sa panahong ito ng kagipitan.