MANILA, Philippines - Posibleng isunod na ng Kamara ang pagtalakay sa divorce bill matapos ang makasaysayang pagpapatibay ng Kongreso sa Reproductive Health (RH) bill.
Ito ay dahil mismong si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang nagsabi na pabor siya sa divorce bill na matagal nang nakabinbin sa komite ng Kamara.
Giit ni Belmonte, bakit kailangan pang pilitin ng mag-asawa na magsama kung hindi naman sila magkasundo.
Sa kabila naman ng hayagang pag-endorso ni Belmonte sa divorce bill, aminado naman ito na malabo na itong matalakay ngayong 15th Congress dahil sa kapos na sa panahon dahil na rin sa nalalapit na eleksyon.
Tulad din ng RH Bill, mariin din tinututulan ng Simbahang Katoliko ang divorce bill dahil sisirain umano nito ang pamilyang Filipino.
Ikinagalak naman ni Gabriela Rep. Luz Ilagan, principal author ng divorce bill sa Kamara ang deklarasyon ni Belmonte.
Paliwanag ni Ilagan, napapanahon na upang magkaroon ng diborsyo sa Pilipinas upang mapalaya ang mga kababaihan na nakakulong pa rin sa sinasabi nitong “unhappy marriages”.