DTI naglabas ng ‘SRP’ sa pang-noche buena

MANILA, Philippines - Dahil sa sangkatutak na reklamo ukol sa mahal na bilihin, naglabas na rin ang Department of Trade and Industry (DTI) ng listahan ng “suggested retail price (SRP)” sa mga produktong pang-noche buena na ikakalat sa lahat ng pamilihan, shopping centers at groceries.

Sinabi ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya na dagsa ang reklamo sa kanila ngayon sa sobrang mahal ng mga produktong pang-handa lalo na ang hamon kaya naglabas sila ng SRP para maging basehan ng mga mamimili.

Nag-ikot na rin umano sa mga pamilihan ang mga tauhan ng DTI upang tiyakin na nasa tamang presyo ang mga produktong ibinibenta ngayong Disyembre.

Kabilang sa mga kasama sa SRP ang sumusunod: 500 gramo ng brick ham, P138; 800 gramo ng pear shaped ham, P198 hanggang P211; Quezo de bola (pinakamaliit), P132; 1 kg. spaghetti, P65 hanggang P102; at 430 gramo ng fruit cocktail, P41.75 hanggang P50.25.

Hinihikayat naman ng DTI ang mga mamimili na magsumbong sa kanilang hotline number na-751-3330/ 751-0384, para sa kanilang reklamo o suhestiyon. Para sa kumpletong listahan ng SRP ng mga noche buena products, maaaring mag-log on sa website ng DTI www.dti.gov.ph  o kaya’y hanapin ang mga naka­paskil na DTI poster sa mga pamilihan.

 

Show comments