26 minasaker sa US school
MANILA, Philippines - Nagpaabot kahapon ng pakikiramay si Pangulong Aquino sa bansang Amerika na nagluluksa dahil sa nangyaring karahasan sa Sandy Hook Elementary School sa Newtown, Connecticut kung saan 26 katao kabilang ang 20 bata ang naging biktima ng pamamaril, kamakalawa ng gabi.
Sa ipinalabas na pahayag ng Pangulo, sinabi nito na nais niyang ipahatid ang kaniyang pakikiramay lalo na sa pamilya ng mga biktima na nagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang minamahal sa buhay.
Ayon pa sa Pangulo ipagdarasal din na hindi na maulit ang nasabing karahasan kung saan mayorya sa mga namatay ay mga batang may edad mula 6 hanggang 10 taong gulang.
“We pray for healing, and that this heartbreak will never be visited on any community ever again,” anang Pangulo.
Nabatid na dakong 9:30 ng umaga ng maganap ang pamamaril ng suspek na si Adam Lanza, 20, sa isang section.
Ayon sa Connecticut State Police, kasama sa napatay ang school principal habang nasawi rin ang gunman.
Sa isang report, sinasabing unang pinatay ni Lanza ang kanyang ina sa kanilang tahanan bago namaril sa Sandy Hook Elementary School. Hindi pa batid ang motibo ng masaker.
Ang insidente ang ikalawa sa pinakagrabeng campus shootings sa Amerika, sunod sa 2007 massacre sa Virginia Tech kung saan 32 katao ang napaslang.
- Latest