MANILA, Philippines - Iminungkahi ng United Nationalist Alliance (UNA) na bumuo ang gobyerno ng isang top-level crisis management team na hahawak sa napipintong “humanitarian crisis” sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyong Pablo.
Ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, UNA Secretary General, dapat umanong iaplay ng pamahalaan ang ginawa nilang pagtugon noon sa paghahanap sa yumaong DILG Secretary Jesse Robredo.
“Given the rising death toll, the extent of damages, and the looming humanitarian crisis, we see no reason why the administration cannot designate a Cabinet Secretary or a team of Cabinet Secretaries to be on the ground to direct government efforts,” sabi ni Tiangco.
Binanggit ni Tiangco na sa paghahanap noon kay Robredo, lahat na miyembro ng Gabinete, government agencies at maging ang resources ay pinagana at pinakilos ng pamahalaan kaya wala umanong dahilan bakit hindi nila ito magagawang muli sa Mindanao na daan-daang libong Filipino ang sangkot.
“The administration did this during search for the late Secretary Robredo and there is all the more reason to do it now,” wika niya.
Ayon pa kay Tiangco, isang linggo na ang nakakalipas matapos ang bagyo ay dumadaing pa rin ang mga survivors ng kakapusan ng pagkain at iba pang pangangailangan gaya ng tubig at kuryente habang marami pang kalye ang hindi madaanan dahil sa mga debris na humaharang sa mga lansangan.
“There is a perception that government response has not been very effective. This needs to be addressed immediately,” dagdag pa ni Tiangco.