Death toll kay Pablo aabot sa 2,000

MANILA, Philippines - Posibleng umabot sa halos 2,000 ang death toll sa bagyong Pablo matapos umakyat sa 934 pang katao ang nawawala na natabunan ng landslide sa Compostela Valley.

‘Kung kasama itong missing, it could reach to almost 2,000 killed pero huwag na muna natin i-declare kasi hinahanap pa sila,” ani National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos.

Una nang inihayag ni Army 66th Infantry Battalion (IB) Commander Lt. Col Florendo na pangunahing nagsusuperbisa sa search and rescue operations sa Compostela Valley na nitong mga na­kalipas na araw ay wala ng buhay silang nakukuha.

Lumiit na rin umano ang pag-asa na may makuha pang buhay sa mga natabunan sa landslide dahil tumigas na ang lupa sa lugar.

Sa kasalukuyan ay nasa 906 katao na ang narerekober, pinakamarami rito ay sa Compostela Valley at Davao Oriental.

Si Pablo ay isa sa pinakamatinding bagyo na tumama sa bansa sa taong ito na higit pa sa epekto ni Sendong noong Disyembre 2011.

Naitala sa 5,474,313 ang mga residenteng naapektuhan at 79,885 pa ang nananatili sa mga evacuation center.

Aabot sa 60,823 kabahayan ang nawasak habang nasa 50 lugar naman ang isinailalim sa state of calamity kabilang ang 41 bayan, apat na lungsod at limang lalawigan.

Aabot na sa P15.1 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, agrikultura at personal na ari-arian.

Show comments