MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong plunder sa tanggapan ng Ombudsman si Pangasinan Governor Amado Espino Jr. dahil sa umano’y pagiging operator ng jueteng sa kanyang lalawigan at nagkakamal daw ng P10 milyon kada buwan na aabot na sa halos P1 bilyon.
Ang kaso ay base na rin sa ibinulgar ni Mayor Ricardo Orduna ng Bugallon, Pangasinan, isang self-confessed jueteng operator na bumaklas kay Espino at Barangay Chairman Fernando Alimagno alyas Boy Bata, isang notorious jueteng financier o bangka na nago-operate sa nasabing probinsya.
Isang imbestigasyon na ang inutos ni DILG Secretary Mar Roxas alinsunod sa direktiba ni Pangulong Aquino na tutukan ang imbestigasyon laban kay Espino.
Si Roxas, kasama si Orduna at Alimagno ay humarap sa media kung saan ibinunyag nito na isang PNP Senior Supt. Wilson Lopez ang umaakto umano bilang jueteng collector ni Espino.
Sa sinumpaang salaysay ni Orduna sinabi nitong personal niyang iniaabot kay Espino ang P2.5 million kada linggo sa loob ng ilang taon simula ng maging governor si Espino sa Pangasinan.
Sabi ni Orduna, tumatanggap na si Espino ng maliit na halaga na P750,000 kada linggo nang siya ay congressman sa probinsya.
Aminado naman si Orduna na may kaparte rin umano siyang pera sa operasyon ng jueteng sa Pangasinan pero maliit lang ito kumpara sa milyones na tinatanggap ni Espino.
Bukod dito ay aabot naman umano sa P825,000 kada linggo ang kinukuha sa kaniya ng gobernador upang ideliver umano sa Camp Crame pero hindi naman niya tiyak kung nakakarating ito.
Agad namang ipinag-utos ni Roxas ang balasahan sa mga police personnel sa Pangasinan para magarantiyahin na walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon.
Isinailalim na rin sa ‘holding area’ sa Camp Crame si Lopez.
Samantala, mariing pinabulaanan naman kahapon ni Gov. Espino ang alegasyon na tumatanggap siya ng payola sa mga gambling lords.
“Pamumulitika lamang ang akusasyon sa akin,” ani Espino kasabay ng pahayag na matagal na nilang napatigil ang ilegal na jueteng sa kanilang lalawigan.
Aminado naman si Espino na pinalitan ng Jai-alai game of chance ang jueteng matapos bigyan ng permit ng ilang mayor ang Meridien Gaming Corp., isang kumpanya na naka-base sa Sta. Ana, Cagayan at umano’y pag-aari ni Charlie “Atong” Ang.
Ani Espino, si Orduna, na noon ay pangulo ng Pangasinan Mayors League, ang nagpakilala pa umano sa kanya kay Ang. Nakikiusap umano si Ang na tulungan siya na makalapit sa mga mayor ng Pangasinan.
Iginiit ni Espino na tinanggihan niya ang pakiusap ni Ang at pinayuhan na lamang ito na direktang lumapit sa mga mayor.
Nakikipag-ugnayan na si Espino sa kanyang mga abugado para sa pagsasampa ng kasong libel at perjury laban kay Orduna.