MANILA, Philippines - Matapos ang 14 taon debate, nakapasa na sa ikalawang pagbasa ang kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill sa Kamara.
Bandang alas-2 ng madaling araw kahapon ng matapos ang botohan sa pamamagitan ng nominal voting kung saan 113 ang pumabor, 104 ang hindi at 3 ang nag-abstain.
Ayon naman kay House Majority Leader Neptali Gonzales, may posibilidad pa rin mabaligtad ang approval ng second reading kapag isinalang na ito ng Kamara sa ikatlong pagbasa sa susunod na linggo.
Paliwanag ni Gonzales, mayroon pang lilipas na apat na araw bago mag-third reading at marami pa ang posibleng mangyari bago ang aktuwal na botohan para sa pinal na pagbasa.
Subalit napakaliit na rin umano ng posibilidad na magbago ang posisyon ng mga bumoto dahil tumayo na ang mga ito sa harap ng publiko at kahiyaan na umano ito kung magbabago pa ng kanilang boto sa huling yugto ng RH bill.
Sa kabila nito, hindi pa rin umano maaaring isantabi ang boto ng humigit kumulang na 60 kongresista na hindi nakadalo ng sesyon kamakalawa ng gabi. May 220 kongresista lamang ang bumoto pero may 285 ang kabuuang kasapi ng Kamara.
Sa sandaling mapagtibay umano sa ikatlong pagbasa ang RH bill, hihintayin na lamang ang Senado na mapagtibay ang sariling bersyon nito para maisalang sa Bicam ang panukala.
Posible namang mapagtibay sa ikatlong pagbasa sa susunod na linggo ang RH bill na siya ring huling linggo ng sesyon ng Kamara dahil sa Christmas break at muli na itong babalik sa Enero.
Ayon naman sa mga anti-RH bill na sina Deputy Minority Leader at Zambales Rep. Mitos Magsaysay, Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Davao City Rep. Karlo Alexi Nograles na hindi pa tapos ang laban at umaasa ang mga ito na mababaligtad ang desisyon.
Sabi ni Magsaysay, malamang sa ikatlong pagbasa puwede pa mabago ang bilang at manalo sila.