Pinas sapol sa rocket debris ng Nokor!
MANILA, Philippines - Kinondena ng Malacañang ang ginawang rocket launch ng North Korea kung saan ang debris nito ay bumagsak sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakikiisa ang Pilipinas sa iba pang bansa na tumutuligsa sa aksiyon ng North Korea na malinaw umano na paglabag sa UN Security Council Resolutions.
Bandang 8:45 ng umaga kahapon nang isagawa ang missile test ng North Korea (Democratic People’s Republic of Korea) na dumaan sa Okinawa, Japan at ang second stage ng rocket ay tumama may 300 kilometro east ng Pilipinas o sa Sta. Ana, Cagayan at Polilio Island.
Kinumpirma ng South Korea at Japan ang rocket launching ng Nokor.
Bagaman naka-red alert ang Pilipinas sa naturang rocket launching, sinabi ng pamahalaan na walang abiso ang Nokor sa Pilipinas sa kanilang pagpapalipad ng missile.
Sa huling abiso ng Nokor ay sa huling bahagi na ng buwang kasalukuyan muling tatangkain ang paglulunsad ng rocket pero nagulat ang pamahalaan ng bigla itong isagawa kahapon.
Nabatid pa na inianunsyo ng Nokor na tagumpay ang muli nilang pagtatangka na ilunsad ang nasabing rocket sa himpapawid.
Sinabi ng Amerika na ang Nokor rocket launching ay “highly provocative act” na nagbabanta sa seguridad sa rehiyon.
Hiniling na ng US at Japan na magpatawag ng pulong ang UN Security Council upang talakayin ang nasabing paglabag ng Nokor.
Sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, bineberipika na ang lugar na binagsakan ng debris kung nagkapira-piraso o buo pa.
Pinawi naman ni Ramos ang pangamba ng mamamayan sa posibleng panganib sa debris ng rocket dahil sa dagat ito bumagsak at hindi sa lupa.
- Latest