MANILA, Philippines - Tatanggap ng malaking suporta ang Mandaluyong City mula sa World Bank, sa pamamagitan ng funding arm nitong International Finance Corporation, upang makamit ng lungsod ang titulo bilang unang Green City sa Pilipinas bilang pagkilala sa mga pagsisikap ni Mayor Benhur Abalos na pangalagaan ang kalikasan.
Sinabi ni Mayor Abalos ang ayuda ng WB sa paglulunsad ng BioLED, isang alternatibong lighting system na nakakatipid ng hanggang 80% sa gamit ng kuryente ay malaking tulong sa local government.
“Ang kasunduan at suporta mula sa IFC ang tutulong sa atin upang makamit ang malaking karangalan bilang unang Green City sa Pilipinas,” sabi ni Abalos. “Tamang tama ang pagpasok ng BioLED sa Mandaluyong at tiyak na isa sa mga unang magiging kliyente ninyo ay ang Siyudad ng Mandaluyong.”
Ayon kay dating Olympic swimmer at Games and Amusements Board Chairman Eric Buhain, president at CEO ng LUMSENSE, lahat ng mga produktong iniaalok ng kanilang kumpanya gaya ng BioLED ay kakampi ng kalikasan.
Sinabi niyang tamang tama ang BioLED na gamiting pailaw sa mga lugar kung saan maghapon at magdamag na kailangan ng liwanag tulad sa mga parking area sa loob ng mga gusali, gayundin sa mga tunnel at fire exits.
“Nalulugod kami dahil katuwang na ng World Bank ang Mandaluyong upang makamit ang pagiging Green City, at isang karangalan sa amin na makatulong sa adhikaing ito,” sabi ni Buhain.
Ayon naman kay Yun Yeong Cheol, Chairman ng IDSYS Co. Ltd., ang kanilang kumpanya ay kinikilala sa Korea dahil sa reputasyon nitong mahusay gumawa ng mga makabagong teknolohiya katulad ng BioLED na ginagamit sa pinakamalalaking gusali at proyekto sa naturang bansa.
“We hope our presence in Mandaluyong will help its clean and green program,” sabi ni Mr. Yun.
Ang BioLED ay isang produktong may artipisyal na talino at gumagamit ng mga sensor upang awtomatikong pahinain ang liwanag ng mga ilaw kung walang gumagalaw na bagay sa paligid nito. Dahil dito, nakatitipid ang gumagamit sa konsumo sa kuryente ng hanggang 80%.