MANILA, Philippines - Itinakda na ng QC Regional Trial Court ang pagbasa ng sakdal kay dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan kaugnay sa kinakaharap nitong kasong multiple murder sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009.
Babasahan ng sakdal si Zaldy sa Disyembre 12, alas-9:00 ng umaga sa QC RTC extention office sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ayon kay QC Judge Jocelyn Solis Reyes, walang basehan ang mga naging hirit ni Zaldy upang tanggalin ito sa listahan ng mga akusado sa malagim na pagpatay sa 58 katao kabilang na ang 32 mga mamamahayag.
Una rito, ibinasura ng Supreme Court ang hiling ni Zaldy maalis sa listahan ng mga akusado sa krimen dahil wala naman daw sapat na basehan na nagdiiin sa kanya kaugnay ng kaso.
Sa nasabing resolusyon, ibinasura ng SC ang ikalawang motion for reconsideration ni Ampatuan dahil sa kawalan ng merito.