MANILA, Philippines - Pumasa na sa bicameral conference committee ang sin tax bill na naglalayong itaas ang buwis sa mga tinatawag na “sin products” partikular ang alak at sigarilyo.
Nagkasundo ang mga senador at congressmen na miyembro ng bicam na ipako sa P35 bilyon ang makokolektang buwis mula sa mga sin tax products sa susunod na taon.
Sa nasabing P37 bilyon, 70 porsiyento ang manggagaling sa mga tobacco products samantalang ang natitirang 30 porsiyento ay kukunin sa alcohol.
Hindi nasunod ang inaprubahan ng Senado na 60-40 tax sharing kung saan inaasahan sanang P40 bilyong buwis ang makokolekta ng gobyerno.
Isa si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos sa umangal sa ipinasang bersiyon ng bicameral committee dahil sa malaking posibilidad na maapektuhan talaga ang industriya ng tobacco.
“Thousands are going to lose their livelihood in the tobacco sector. Hindi namin maintindihan kung bakit nila ginagawa ‘yon. Kung sinasabi nilang health measure ito, ‘di dapat sabay-sabay na tinataasan ang presyo para mabawasan ang umiinom, mabawasan ang nagsisigarilyo,” pahayag ni Marcos.