‘Mass burial’
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang pagsasagawa ng ‘mass burial’ sa daan-daang katao na nasawi dulot ng matinding hagupit ng bag yong Pablo na nag-iwan ng 327 patay partikular sa Davao Oriental at Compostela Valley na grabeng sinalanta ng flashflood at landslide.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, kailangang ikonsidera ang banta sa kalusugan ng mga residente bunga ng posibleng epidemya dahil sa masangsang na amoy ng narerekober na mga bangkay dito.
Sinabi ni Roxas na may dalang panganib ang mga bangkay kapag ilang araw na ang mga itong nakalantad o naka-expose kaya kailangang mailibing na ng sabay-sabay lalo pa at walang kakayahan ang kanilang mga pamilya na sila’y ipalibing.
Sa kabila nito, sinabi ni Roxas na kailangan ding ikonsidera ng pamahalaan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya na kilalanin at makilala ang kanilang mga mahal sa buhay na kabilang sa nasawi sa trahedya.
Sa ulat ni Army’s 10th Infantry Division (ID) Commander Brig Gen. Ariel Bernardo, sa Davao Oriental at Compostela Valley ay umaabot na sa 327 ang nakuhang mga bangkay habang libu-libong katao pa ang nawalan ng tirahan dahil sa bagyong Pablo na humagupit noong Martes.
Sa Compostela Valley, ang bayan ng New Bataan ang nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng mga nasawi na umaabot na sa 90 katao, 58 pa lamang sa mga ito ang nakilala kabilang ang apat na sundalo ng Army’s 66th Infantry Battalion na magsasagawa sana ng search and rescue operations.
Sa Davao Oriental ay nasa 128 bangkay na ang narerekober, 151 ang su gatan at 21 ang nawawala.
Tinataya namang aabot sa P300 milyon ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura.
Samantala, inamin ni Pangulong Aquino na hindi siya makatulog dahil sa trahedyang dulot ni Pablo sa Mindanao at Visayas.
Iniiisip niya kung nagkaroon ba ng pagkukulang ang gobyerno dahil nabigong makamit ang zero casualty sa nasabing bagyo.
Nangako ang chief executive na hindi titigil ang gobyerno sa pagbuo ng mga bagong sistema at mekanismo upang ma iwasan na ang pagbubuwis ng buhay sa tuwing may kalamidad.
Sinisi naman ni National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos ang talamak na illegal logging at illegal mining operations sa paglobo ng bilang ng death toll.
Ayon kay Ramos, kalbo na ang mga kagubatan kung saan nagbunsod ito sa landslide at dahilan sa pagkaputol ng mga puno ay walang ‘catch basin’ na siyang nagpa-grabe sa landslide.
Kahapon ay tumulak ang apat na barko ng Phi lippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para tumulong sa rescue, retrieval at relief operations sa mga lugar na sinalanta ni Pablo.
Samantala, bahagyang humina na si Pablo habang tumatahak palayo ng bansa.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Pablo ay namataan sa 380 kilometro kanluran ng Coron, Palawan taglay ang lakas ng hanging 115 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso ng 145 kilometro kada oras. (May ulat nina Rudy Andal, Ludy Bermudo at Angie dela Cruz)
- Latest