MANILA, Philippines - Lusot na sa Senate Committee on Local Government ang panukalang batas na naglalayong gawing 5 taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials mula sa kasalukuyang 3-year term.
Ang panukala na nakapaloob sa Senate Bill 3296 ay lumusot sa nasabing komite na pinamumunuan ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Naniniwala si Marcos na dapat lamang na madagdagan ng dalawang taon o hanggang 2015 ang 3-year term ng mga kasalukuyang barangay at SK officials na nahalal noong Oktubre 25, 2010 at matatapos sa Oktubre 2013.
Kung ganap na magiging batas hindi na magkakaroon ng synchronized barangay at SK officials sa Oktubre 2013 at sa halip ay gagawin ito sa Oktubre 2015 at tuwing ika-limang taon matapos ito.
Ikinatuwiran pa ni Marcos na makakatipid ang pamahalaan ng bilyong piso dahil hindi na magsasagawa ng halalan para sa barangay at SK officials tuwing ikatlong taon na pinopondohan ng P3-bilyon.
Ipinaalala rin ni Marcos na ang mga nangyaring postponement sa barangay at SK elections noong mga nakaraang panahon dahil sa kakulangan ng pang-tustos dito ay isa ring dahilan kung bakit pinagsasabay na lamang ang halalan para sa nasabing mga posisyon.