MANILA, Philippines - Pumalag si House Deputy Speaker Erin Tañada, sa planong idaan pa sa pagdinig ang pirmahan sa report ng Freedom of Information (FOI) bill.
Ayon kay Tañada, dismayadong dismayado siya sa desisyon ng House Public Information Committee na idaan pa sa hearing pati ang pirmahan ng committee report para maaprubahang substitute bill ng panukalang FOI. Itinakda ng komite ang approval at signing ng committee report sa December 11.
Sinabi ni Tañada, isang linggo na naman ang maaksaya gayung normal practice na umano sa kongreso na iniikot lamang sa mga miyembro ng komite ang committe report para pirmahan bago ito isumite sa rules committee.
Dahil dito, nag-boluntaryo na si Tañada na akuin ang trabaho, na siya na mismo ang iikot sa tanggapan ng mga kongresista para papirmahin ng committee report at hindi maaksaya ang oras.
Nangangailangan ng 29 na miyembro ng komite upang maaprubahan ang report at kakailanganing i-sponsor sa plenaryo ng chairman ng Public Information Committee ang FOI bill bago ito mapag-debatihan.