MANILA, Philippines - Itinaas na sa signal number 3 ang bagyong ‘Pablo’ at sinasabing 31 lalawigan ang unang tatamaan ng bagsik at hagupit nito.
Ang mga lugar na nasa ilalim ng signal number 3 ay ang Surigao del Sur, Surigao del Norte, Siargao, Dinagat, Agusan del Norte, Agusan del Sur at Davao Oriental.
Nasa ilalim naman ng signal number 2 ang Southern Leyte, Bohol, Camiguin, Misamis Oriental, Bukidnon, Davao del Norte at Compostela Valley sa Mindanao.
Nasa ilalim naman ng signal number 1 ang Cuyo Island sa Luzon gayundin ang Eastern Samar, Western Samar, Leyte, Biliran, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu, Siquijor, Zamboanga Provinces, Lanao Provinces, Davao del Sur, North Cotabato at Maguindanao.
Kahapon alas-11:00 ng umaga, si Pablo ay namataan ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) sa layong 550 kilometro timog silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur taglay ang lakas ng hanging 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin hanggang 210 kilometro bawat oras.
Si Pablo ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 24 kilometro bawat oras at inaasahang mag-land fall ngayong Martes sa Surigao.
Bunsod nito, pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente na nakatira sa ilalim ng signal number 3 at 2 na maghanda at mag ingat at huwag papalaot sa karagatan ang mga mangingisda dahil sa malalaking alon. Makulimlim naman ang panahon sa Metro Manila.
Inutusan na ng Pangulong Benigno Aquino III ang PAGASA at ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na magbigay ito ng ‘hourly updated’ hinggil sa bagyong Pablo.
Nais ng Pangulong Aquino na magbigay ng oras-oras na abiso ang PAGASA at NDRRMC kaugnay sa bagyong Pablo na may international name na Bopha lalo’t nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).