House probe sa Aman pyramid scam simula na

MANILA, Philippines - Sisimulan na bukas ng Kamara ang imbestigasyon sa umano’y multi-billion peso investment scam ng Aman Futures Group.

Ayon kay Leyte Rep. Sergio Apostol, chairman ng House Committee on Banks and Financial intermediaries, sesentro ang kanilang imbestigasyon sa posibleng paglabag sa batas tulad ng Anti-Money Laundering Act ng nasabing kumpanya.

Nilinaw ni Apostol na ang kanilang isasagawang imbestigasyon ay in aid of legislation hindi tulad ng ginagawa ng Department of Justice (DOJ) na nagsasagawa ng premilinary investigation dahil sa pagsasampa ng kasong estafa ng mga biktima laban sa pinuno ng Aman Group.

Ang hakbang ni Apostol ay bunsod sa inihaing resolution ni Abante Mindanao party list Rep. Maximo Rodriguez Jr. na nagnanais na malaman kung paano nakapanloko ng 15,000 investors mula sa Visayas and Mindanao at makatangay ng P12 bilyon.

Paliwanag pa ni Apostol na dahil sa in aid of legis­lation ang gagawin nilang imbestigasyon kayat pag aaralan nila kung mayroon ng dapat amyendahan sa kasalukuyang batas upang mapigilan na maulit ang katulad na panloloko sa hinaharap.

Kabilang sa mga batas na posibleng maam­yendahan ang Republic Act 7653 (The New Central Bank Act), RA 9160 (Anti-Money Laundering Act), at ang RA 8799  o ang The Securities Regulation Code. (Gemma Garcia)

 

Show comments