MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang mga Pinoy na nagnanais magtungo sa United Arab Emirates (UAE) na agahan ang pag-a-apply ng visa para sa naturang bansa.
Ginawa ni Baldoz ang paalala sa mga nagnanais magtrabaho sa UAE kasunod ng advisory ng Department of Foreign Affairs sa bagong electronic visa system na pinaiiral sa nabanggit na Arab country.
Sabi ni Baldoz, kailangang maghain ng application ang OFW na tutungo sa UAE 10 araw bago ang kanyang pag-alis sa Pilipinas.
Layon nito na maiwasan ang pagkabalam o problema sa hanay ng OFW at upang mabigyan ng sapat na panahon ang UAE embassy na maproseso ang visa.
Sa liham ni DFA Undersecretary for Administration Rafael E. Seguis, ang approval para sa bagong UAE visa system ay direkta na sa Ministry of Foreign Affairs sa Abu Dhabi kaya dapat agahan ang pagsusumite ng visa application.