MANILA, Philippines - Inutusan ni Pangulong Aquino ang tracker team na tumutugis sa magkapatid na ex-Palawan Gov. Joel Reyes at Coron Mayor Marjo Reyes na lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang paghahanap matapos umapela kahapon ang biyuda ng brodkaster at environmentalist na si Dr. Gerry Ortega sa Presidente na bigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang mister na ipinaglaban lamang ang kalikasan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, may direktiba ang Pangulo sa tracker team na binuo ni Justice Sec. leila de Lima na palawakin pa ang kanilang paghahanap sa Reyes brothers na isinangkot sa pagpatay sa brodkaster na si Doc Ortega.
Pinaiigting na rin ng NBI-Interpol ang pakikipag-koordinasyon nila sa kanilang counterpart sa Thailand at iba pang bansa na sinasabing puwedeng pagtaguan ng magkapatid na Reyes.
Umapela naman si Mrs. Patty Ortega na kung talagang hindi lumabas ng bansa ang magkapatid na Ortega ay lumantad na sila at harapin ang kaso sa korte.
Hinamon pa ni Mrs. Ortega ang lawyer ng mga Reyes na si Atty. Ferdie Topacio na himukin ang kanyang kliyente na lumantad kung naniniwala silang wala silang kasalanan.
Siniguro naman ng abogado ng Ortega camp na si Atty. Alex Avisado na igagalang nila ang lahat ng constitutional rights ng magkapatid na Reyes at patutunayan nila sa korte ang kasong isinampa nila sa mga ito.
Umapela rin si Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn sa media na maging patas sa kanilang pag-uulat at huwag magpapadala sa ‘suhol’ upang baligtarin ang katotohanan at palabasin pang ‘underdog’ ang magkapatid na Reyes.
Aniya, lahat ng ebidensiya na naiharap nila ay nagtuturo sa magkapatid na Reyes bukod sa mga buhay na testigo na nagpapatunay sa kanilang akusasyon laban sa magkapatid.
Iginiit naman ng biyuda ni Ortega na patuloy pa din ang kanilang pagtitiwala kay de Lima gayundin ang abogado nito na naniniwalang may kapangyarihan ang DOJ upang bumuo ng panel upang magsagawa ng reinvestigation sa nasabing kaso.