Trabaho kesa sin tax giit kay PNoy
MANILA, Philippines - Mahigit isang linggo na mula nang maipasa sa pamamagitan ng botong 15-2 sa Senado ang kontrobersiyal na Sin Tax Bill, muling nagmartsa mula Quezon City patungong Mendiola ang mga miyembro ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART) upang umapela kay Pangulong Aquino na ibasura ang panukala gamit ang kanyang kapangyarihan bilang Pangulo ng bansa.
Iginiit ng halos 2,000 katao na alam ng mga senador na nasa likod ng nasabing batas na mahigit tatlong milyong manggagawa at magsasaka kasama ng kanilang pamilya ang magiging biktima sa naipasang batas partikular na ang mga takatak at iba pang manininda, gayunman, itinuloy pa rin nila ang pagpapahirap sa taumbayan.
Pahayag ni JC Gatungay, chairperson ng Samahan ng Manininda sa Komunidad (SMK), “ang alam lang naman nila ay kung magkano ang kikitain sa Sin Tax na ‘yan pero hindi nila naiisip na ang kailangan natin ay regular at disenteng trabaho.”
Nangangamba rin si Glenn Mendina, vice-president ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod, National Capital Region and Rizal chapter (KPML-NCRR), na ang pondong makokolekta sa Sin Tax ay pagmumulan lang ng korupsiyon sa gobyerno habang ang mga manggagawa sa komunidad ay mapipilitan namang kumapit sa patalim o kriminalidad para lang mabuhay.
- Latest