Freeze order vs Aman accounts

MANILA, Philippines - Tiniyak ng Court of Appeals na reresolbahin nila ang kahilingin na mapigil ang freeze order sa mga bank account ng may-ari ng Aman Futures Philippines, Inc. na si Manuel Amalilio kasama ang board directors ng korporasyon.

Sa resolusyon ng CA 4th Division na isinulat ni Justice Ramon Garcia,  itinakda ang paglilitis ng appellate court sa natu­rang usapan sa Disyembre 3, ala-una y media ng hapon.

Sa naturang petsa, tatalakayin ng mga mahis­trado ng dibisyon kung palalawigin  ang 20 araw na freeze order na una nang inilabas ng CA noong Nob. 20, 2012.

Kabilang sa 25 bank accounts ng Aman Futures ay nasa  Allied Bank, BDO, Bank of Commerce, BPI, China Banking Corp., Citibank, DBP, East West Bank, HSBC, LandBank, Maybank, Metrobank, PSB, RCBC, Standard Chartered, PNB, Union Bank.

Ipinalabas ang freeze order upang mapanga­lagaan ang interest ng mga nalokong investor sa pyramiding business ni Amalilio.

Samantala, bantay sarado sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa founder at lider ng pyramiding scam na si Jacob ‘Coco” Rasuman.

Dakong alas 10:30 kamakalawa ng gabi ng idiretso sa NBI detention cell si Rasuman na ibiniyahe sakay ng eroplanong Cebu Pacific galing Marawi.

Nakaposas si Rasuman habang eskort ng mga ahente ng NBI pababa ng eroplano at suot ang bullet proof vest ng ibiyahe patungo sa NBI headquarters sa Manila.

Si Rasuman, ang sinasabing presidente at chief executive officer ng “Nad Auto Option” na umano’y sangkot sa isa sa pyrami­ding scheme.

Bukod kay Rasuman, nagpalabas na rin ng warrant of arrest ang Cagayan De Oro Regional Trial Court (RTC) laban sa kapatid nito at ama na si dating DPWH Usec. Bashir Rasuman. (Doris Borja/Ludy Bermudo/Butch Quejada)

 

Show comments