China ‘di natin kaya - PNoy

MANILA, Philippines - Aminado si Pangulong Aquino na hindi kayang sumabak ng Pilipinas kontra sa China dahil sa kawalan na rin natin ng mga modernong kagamitan bukod sa hindi giyera ang solusyon upang ipagtanggol ang kanilang teritoryo na inaangkin ng China.

Ito ang ipinaliwanag ng Pangulo kamakalawa sa mga estudyante ng Learning Tree Child Growth Center sa Quezon City kaugnay sa tanong ng isang grade 5 pupil kung may sapat bang modern equipment ang Philippine Navy para ipagtanggol ang Panatag Shoal sa China na nais sumakop dito.

Sabi ni PNoy, mayroon lamang 132 ships ang Navy upang bantayan ang 36,000 kilometer na coastline ng Pilipinas.

Aniya, hindi naman giyera ang solusyon upang ipagtanggol ang Panatag Shoal dahil puwede naman natin itong ipaglaban sa United Nations dahil nakapaloob naman sa 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas ang Panatag Shoal.

Ipinaliwanag pa ng Pangulo, ang Panatag Shoal ay 120 miles mula sa Masinloc, Zambales kaya pasok na pasok ito sa exclusive 200-mile economic zone ng Pilipinas.

Sabi pa ni Aquino sa mga estudyante, kahit may 132 ships ang Navy ay mga World War II o mas lumang modelo pa ito at 2 lamang ang moderno, ang BRP Gregorio del Pilar at ang parating na BRP Ramon Alcaraz.

“So what we’re trying to do is protect our rights but that doesn’t necessarily mean we have to go war with China,” wika ni PNoy.

Aniya, nasa 1.3 bilyon ang populasyon ng China habang ang mga Filipino ay nasa 95 milyon lamang bukod sa pagiging super power at nuclear power ng China.

 

Show comments