MANILA, Philippines - Gagayahin na ng Pilipinas ang Vietnam kaugnay sa e-passport ng China kung saan ay mag-iisyu ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng hiwalay na visa form para sa pasaporte ng China na may nakaimprentang mapa ng islang pinag-aagawan sa West Philippine Sea.
Ayon sa DFA, sa halip na sa mismong Chinese e-passport ay sa ipapalabas na hiwalay na visa application nila tatakan ang mga Chinese nationals na papasok ng bansa na may hawak ng bagong pasaporte nito.
Ganito din ang ginawa ng Vietnam bilang pagtutol sa nakalarawan sa e-passport ng China ang mapa kabilang ang isang pinag-aagawan sa West Philippine Sea.
Wika pa ng DFA, bagamat patuloy ang gagawin nilang pagproseso sa bagong passport ng China ay ipapakita pa rin ng Pilipinas ang pagtutol nito sa “9-dash line map” ng China na nakaimprenta sa kanilang bagong e-passport.
Unang nagpakita ng pagtutol sa bagong pasaporte ng China ang Vietnam kung saan ay sa hiwalay na form din nila tinatatakan ang mga Chinese na may hawak ng bagong passport na pumapasok sa kanilang bansa.
“Through this action, the Philippines reinforces its protest against China’s excessive claim over almost the entire South China Sea including the West Philippine Sea. The Philippines views said expansive 9-dash claim as inconsistent with international law, specially UNCLOS. We are preparing for an early implementation of the aforementioned action,” wika pa sa statement ng DFA sa kanilang website.
Ipinaliwanag ng pamahalaan na pansamantalang pahihintulutang makapasok sa bansa ang mga Chinese sa pamamagitan ng iisyung visa dahil hindi naman kasalanan ng mga turistang Tsino ang pagkakalagay ng nasabing mapa sa kanilang bagong pasaporte.
Bukod sa Pilipinas, Vietnam at Taiwan, umangal na rin ang India at nagpoprotesta dahil maging ang hilagang bahagi ng kanilang teritoryo ay sinaklaw ng mapa sa nasabing e-passport ng China.