MANILA, Philippines - Anim na buwan ang suspensyon na ipinataw ng Ombudsman sa isang alkade sa Bulacan dahil sa pag-demote nito sa kanyang municipal budget officer.
Walang matatanggap na sahod si Norzagaray Mayor Feliciano Legaspi sa loob ng panahon na siya ay suspendido, ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Sa limang pahinang desisyon, sinabi ng Ombudsman na mayroong sapat na ebidensya sa kasong Oppression or Grave Abuse of Authority laban kay Legaspi nang i-demote niya si municipal budget officer Yolanda Ervas noong Mayo.
Nagreklamo si Ervas dahil ang pinaglipatan umano sa kanyang posisyon ay mas mababa ang ranggo at mas mababa ang sahod.
Bago ang kanyang demosyon ay sumulat umano si Ervas kay Legaspi kaugnay ng labis na paggastos at realignment ng budget kahit hindi pa ito naaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa 2011 Annual Budget ng Norzagaray.
Noong Mayo 19, nakatanggap si Ervas ng utos mula kay Legaspi na naglilipat sa kanya sa Norzagaray Public Market.
Sinabi ni Ervas na ang ipinalit sa kanya na si Pacita Espiritu, na dating Municipal Budget Officer, ay dating Administrative Assistant na may Salary Grade 10 at nakatapos ng dalawang taong Secretarial Course.
Si Ervas naman mula sa Salary Grade 24 ay naging Salary Grade 18 na lamang.
Sinabi ng Ombudsman na bagamat prerogative ng local chief executive ang paglilipat ng mga tao, dapat ito ay hindi magresulta sa pagbaba ng ranggo at suweldo. (Butch Quejada/Angie dela Cruz)