Lider ng Rasuman scam timbog!

MANILA, Philippines - Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lider ng pyramiding scam sa operasyon sa tahanan nito sa Marawi City, Lanao del Sur kahapon ng hapon.

Kinilala ng Lanao del Sur Police ang nasakoteng suspect na si Jachob “Coco “ Rasuman, lider ng Coco Rasuman Investment Group at kaalyado ng Aman Futures Group Philippines Inc. na nakabase sa Pagadian City na bumiktima ng 15,000 katao at tumangay ng aabot sa P12 bilyong halaga.

Samantala ang pinuno ng Aman Futures na si Malaysian Manuel Amalilio ay nagtatago na sa Kota Kinabalu, Malaysia matapos pumuslit sa bansa tangay ang mala­king halaga ng kinulimbat na investment scam.

Bandang alas-2:15 ng hapon ng mahuli si Rasuman matapos bumalik sa kaniyang tahanan sa Brgy. Panggao Saduc, Marawi City. Ilang buwan na umano itong hindi umuuwi sa kanila sa ma­tinding takot na resbakan ng mga naging biktima ng pyramiding.

Bukod kay Rasuman, nakasuhan rin ang ama nito na si dating DPWH Undersecretary Basher Rasuman ng syndicated estafa sa Cagayan de Oro Regional Trial Court bu­nga ng nasabing anomalya.

Inaresto ang batang Rasuman sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Cagayan de Oro RTC Judge Bonifacio Macabaya sa kasong syndicated estafa.

 

Show comments