MANILA, Philippines - Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang naging desisyon ng Makati Regional Trial Court (RTC) na nagbasura sa class suit na inihain ng ilang grupo ng consumer laban sa Manila Electric Co. (Meralco) at iba pang respondents kaugnay sa kanilang kahilingan na refund sa singil sa kuryente.
Sa 18-pahinang kautusan na isinulat ni Associate Justice Agnes Reyes-Carpio na ipinalabas noong Nobyembre 15, 2012, ibinasuta ng CA’s Eight Division ang inihaing apela ng Equal Justice for All Movement na pinangunahan ni Leonardo de Vera sa hiling na ipawalangsaysay ng korte ang naunang desisyon ng Makati RTC kaugnay sa P13-bilyong refund na iligal umanong kinolekta ng Meralco sa consumers.
Maliban sa Meralco, sangkot din sa kaso ang Energy Regulatory Commission (ERC), National Power Corporation (Napocor) at iba pang respondents.
Una nang naghain ng ‘plea for a temporary restraining order and a writ of preliminary injunction’ ang nabanggit na mga grupo upang hindi na magawa pang ipasa ng Meralco ang nasabing charges sa mga consumer.
Kabilang pa sa hiling ng grupo na atasan ng korte ang Meralco na pabuksan ang libro para sa auditing at accounting na ibinasura din ng mababang korte kaya umakyat na sa CA.