MANILA, Philippines - Target ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Caloocan City Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri na masungkit sa buwan ng November ang ika-80 medical and dental mission na ipinagkakaloob nito sa mga residente ng lungsod.
Ayon kay Echiverri, sinimulan ng kanyang tanggapan ang pagbibigay ng medical and dental mission sa mga residente noong buwan ng Hunyo kung saan ay mahigit sa 10 barangay kada-buwan ang nabibigyan ng serbisyo.
Bukod sa free dental at medical services ay nagbibigay din ang pangulo ng liga ng mga barangay sa buong Pilipinas sa mga residente ng lungsod ng libreng gupit, libreng manicure at feeding program para naman sa mga bata.
Sa pamamagitan ng pagpunta ng kanilang grupo sa bawat barangay ay hindi na kinakailangang umalis ng mga residente sa kanilang lugar para lamang makakuha ng libreng serbisyo tulad ng mga nabanggit.
Nangako rin si Echiverri na tuluy-tuloy ang gagawing medical and dental mission ng kanyang grupo nang sa gayon ay mabigyan ng libreng serbisyo ang lahat ng mga residente sa bawat barangay sa buong lungsod.