Drug money iikot sa Caloocan
MANILA, Philippines - Nangangamba ang mga mamamayan sa Caloocan City sa pagdagsa ng milyun-milyong pisong drug money sa darating na eleksiyon sa 2013.
Bunsod nito, nanawagan ang grupong Bayan Muna sa Philippine National Police na tanurang mabuti ang Caloocan para mapangalagaan laban sa tangka ng mga drug lords na makapuwesto sa mga posisyong politikal sa lungsod.
Ito’y kasunod ng pagkakadawit ni Atty. Antonio Almeda, Caloocan vice mayoralty candidate ng United Nationalist Alliance (UNA), sa bulto-bultong shabu na nakuha sa American national na si Brian Hill, 32-anyos sa isang condominium unit sa Makati City noong Martes ng hapon.
Si Hill ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) at nakuha ang sinasabing P50 milyong halaga ng shabu at iba pang droga sa isang Mitsubishi Pajero na may plakang SEP-825 na siyang ginagamit ng suspek na nakapangalan naman kay Almeda.
Sa imbestigasyon ng PNP, natukoy na ang Pajero na pinaglagyan ng mga droga ay sasakyan ng gobyerno na gamit ng dating staff ni Ang Galing Pinoy party-list Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo na si Almeda noong ito pa ang chairman ng committee on energy sa kongreso.
Natatakot ang mga mamamayan ng lungsod sa posibilidad na ang ginagastos na ng ibang namumulitika rito ay galing sa kita ng pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot katulad ng shabu at ecstasy, na napapabalitang inilalako naman ng isang kandidatong konsehal sa mga artista at anak mayayaman.
Ayon kay Bayan Muna-Caloocan City Chapter, Chairman Ferdinand Gundayao, nagpupulong na ang kanilang samahan kung anong mga hakbang ang kanilang gagawin upang hindi makapasok sa gobyerno ang mga tinatawag na narco-politicians.
“Nakakapagtaka ang mga ginagawang pakikipag-ugnayan ng grupo ni Almeda sa tao dahil masyado itong bongga ,” ani Gundayao.
Dahil sa pagkakasangkot ng pangalan ni Almeda sa kaso ng droga ay agad na hiniling ng Bayan Muna sa pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung may kinalaman ang abugado sa drug syndicate sa bansa. Napaulat na kabilang umano sa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Almeda.
Si Almeda ay ka-tandem at running mate ni Caloocan City 1st District Congressman Oca Malapitan na tumatakbong alkalde at Councilor Along Malapitan na kumakandidato namang kinatawan ng unang distrito.
“Dapat inalam nila and background ni Almeda at kung alam nga nila ang pagkatao nito ay dapat silang managot sa mamamayan ng lungsod,” dagdag pa ni Gundayao.
Napag-alaman din na si Almeda ay dating presidente ng Aquila Legis Fraternity sa Ateneo de Manila University na nasentensiyahan sa pagpatay sa hazing ng law student na si Leonardo “Lenny” Villa noong 1991.
Noong 2002 ay nagbaba ng kautusan ang Court of Appeals (CA) kung saan ay ibinababa nito sa slight physical injuries ang kasong homicide ni Almeda at ng tatlo pa nitong fraternity members na labis na ikinalungkot ng pamilya ni Villa.
- Latest