MANILA, Philippines - Pormal nang sinampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) ni Customs Commissioner Ruffy Biazon ang isang negosyante at broker nito na nag-smuggled umano ng mga peking ducks, manok at piglets na nagkakahalaga ng P40 million.
Ipinakita ni Biazon sa DOJ ang mga dokumento para sa kasong kinakaharap nina Miguel Villamayor, may-ari ng Hexa Trader at broker nito na si Remedios Lopez. Nabatid sa naturang hepe ng BoC, na nagtangkang magpuslit ng smuggled na peking ducks, manok at piglets na may halagang P40 million mula sa bansang China sina Villamayor at Lopez.
Ang naturang mga kontrabando ay nasabat ng mga tauhan ni Biazon sa Port of Manila noong Oct. 15, 2012 kaya’t kasong smuggling ang isinampa laban sa dalawa. Muling inulit ni Biazon na walang puwang sa Customs ang mga smuggler kaya’t isa-isa na silang kakalusin.