Pagtakbo ng mga Ampatuan sa 2013 hindi mapipigilan
MANILA, Philippines - Dahil umano sa kawalan ng batas kontra sa political dynasty, aminado si Justice Secretary Leila de Lima na walang magagawa ang gobyerno sa napaulat na pagtakbo ng 74 na miyembro ng angkan ng Ampatuan sa mga lokal na posisyon sa Mindanao sa 2013 midterm elections.
Bunsod nito, suportado ni de Lima ang pahayag ng Commission on Elections (Comelec) na nasa kamay na ng mga botante ang pagtugon sa nasabing isyu. Ipinaliwanag ni de Lima na bagamat nasa Konstitusyon ang pagbabawal sa political dynasty, nananatiling hamon ang pagtupad sa nasabing probisyon dahil sa kawalan ng tinatawag na enabling law.
Ipinagtanggol naman ng Malacañang ang mga kandidatong Ampatuan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, kahit kaapelyido ang mga kandidato sa Maguindanao ng suspek sa Maguindanao massacre na sina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan ay iba naman daw ang pag-uugali ng mga ito.
Aniya, nasa 5-6 na mula sa angkan ng Ampatuan ang tatakbo sa ilalim ng Liberal Party (LP) sa darating na May 2013 elections sa Maguindanao sa iba’t ibang local positions.
Una nang sinabi ni Sen. Franklin Drilon na hindi papayagan ng LP ang mga Ampatuan na kumandidato sa ilalim ng kanilang partido.
- Latest