Mga kawatan harangin sa 2013 - PNoy
MANILA, Philippines - Hinikayat ni Pangulong Aquino ang mga miyembro ng non-governmental organizations na huwag hayaang makabalik sa poder sa darating na May 2013 elections ang mga ‘kawatan’ at ‘nanlalamang’.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa 5th National Assemby ng Code-NGO sa Quezon City, bukod sa pagbabantay sa mga balota ay dapat maging gabay sila ng mamamayan sa pagpili ng mga itatalagang pinuno ng bayan.
“Sa matagal na panahon ay nasadlak tayo sa pag-iisip na pare-pareho lang ang lahat ng gustong maglingkod sa gobyerno pero nakita ninyo ang pagkakaiba ng estilo ng aming pamumuno, sa dinatnan nating status que,” wika pa ng Pangulo.
“Hahayaan ba nating pamunuan tayong muli ng mga kawatan at nanlalamang, huwag naman sana,” pakiusap pa ni PNoy sa mga miyembro ng Code-NGO.
Aniya, nagawa ng kanyang administrasyon na posible ang pagbabago sa loob lamang ng maikling panahon dahil sa mga taong naging katuwang niya sa tuwid na daan.
Sa susunod na mga taon ay tiyak anya na mas mapipintog pang bunga ang ating mapipitas kung iisa pa rin ang direksyong ating tinatahak.
Pinuri din ng chief executive ang nagawang tulong ng NGO’s sa pagsusulong ng tuwid na landas ng gobyerno.
- Latest