MANILA, Philippines - Upang matiyak ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers, lumagda ang Overseas Placement Association of the Philippines, Inc. (OPAP), ang pinakamalaking organisasyon ng mga lisensiyadong overseas employment services provider na mayroong 500 miyembro, sa Pioneer Life, Inc. at Pioneer Insurance and Surety Corporation, alinsunod sa nakasaad sa Republic Act No. 10022.
Ang signing ay pinangunahan nina Romeo P. Nacino, OPAP chairman; Eduardo T. Mahiya, OPAP President; Ma. Consuelo A. Banes at Yangtze P. Quin, kapwa First Vice Presidents, ng Pioneer Life, Inc. at Pioneer Insurance & Surety Corporation.
Sa ilalim ng R.A. 10022, “An Act Amending Republic Act No. 8042, o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act Of 1995, nais nitong mas mapatibay ang pagbibigay ng seguridad sa mga OFWs kung saan inaatasan ang mga lisensiyadong recruitment agencies na maglaan ng compulsory insurance coverage para sa OFWs.
Ang compulsory insurance coverage ay kinabibilangan ng minimum (a) accidental death, na umaabot sa US$ 15,000 sa mga naulila ng OFWs; (b) natural death na US$ 10,000 na ibibigay sa mga naulila at benepisyaryo ng migrant workers; (c) permanent total disablement, na nagkakahalaga ng US$7,500 at (d) repatriation cost para sa mga manggagawa kabilang na ang kanilang pamasahe pauwi ng Pilipinas.
Sakaling namatay, insurance provider ang dapat na mag-ayos at magbayad ng pag-uwi sa labi ng OFW.