MANILA, Philippines - Kinastigo ng isang mambabatas ang Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil sa umano’y patuloy na pagkabinbin ng subasta para sa P8.2 billion Road Transportation Information Technology (IT) project na maglalagay ng bagong IT infrastructure at database systems para sa Land Transportation Office (LTO).
Sinabi ni Anakpawis Party-list Rep. Joel Maglungsod na ang palaging pagkabalam ng subasta ay pabor daw sa Stradcom, ang computerization contractor ng LTO, dahil mabibigyan ito ng ekstensyon na labis sa 10 taon na build-operate-own contract na matatapos sa February 2013.
Tutol si Maglungsod sa ekstensyon kaya hiningi din niya kay DOTC Secretary Joseph Abaya na imbestigahan ang posibleng sabwatan para patagalin ang subasta.
Kung palalawigin umano ang kontrata ng Stradcom patuloy itong makakakolekta ng P2 bilyon kada taon kaya nagbanta si Maglunsod na idudulog ang isang reklamong graft sa Ombudsman laban sa ilang senior officials ng bids and awards committee (BAC) ng DOTC dahil sa hindi maipaliwanag na delay sa bidding na ang papasan sa malabis na singil ng computer fees ay ang taong bayan.