Manager ng Aman hawak na ng NBI
MANILA, Philippines - Nasa kamay na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagpakilalang financial manager ng Aman Futures Group na si Donna Coyme.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na handa si Coyme na ilantad ang modus operandi sa kontrobersiyal na pyramid scam na nakapanloko ng P12-B mula sa mga investor sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay de Lima, pinag-aaralan nila ngayon ang affidavit ni Coyme upang matukoy kung maaari siyang isailalim sa Witness Protection Program ng pamahalaan para magamit na testigo laban sa mastermind sa pyramiding scam.
Sinabi ni Coyme na nagkakahalaga umano ng P500-M ang puhunan ng mga investor na dumaan sa kanyang kamay.
Inamin ng nasabing financial manager na dati siyang tutor ng mga anak ng isa sa mga opisyal ng Aman Future na si Fernando Luna.
Kinumpirma rin ni Coyme na siya ang naglalabas ng tseke mula sa Aman Futures at nag-aayos ng records ng mga mamumuhunan.
Samantala, pinahaharang na ng DOJ ang mga kayamanan ng dalawang lider ng Aman Futures Philippines Inc. at Coco Rasuman Group upang hindi magalaw ang mga ari-arian nina Manuel Amalilio ng Aman Futures at Coco Rasuman ng Rasuman Group na pinaniniwalaang sangkot sa pyramiding.
Ngayong linggo ay maisasampa na sa husgado ang mga kaso laban kina Amalilio at Rasuman at iba pang opisyal ng pyramiding business ng dalawang respondent.
- Latest