MANILA, Philippines - Apat na araw, bago ang ikatlong taong anibersaryo ng Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57-katao, 32 dito ay mediamen, umapela kahapon ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tumulong sa ikaaaresto ng 92 pang suspek.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni P/Senior Supt. Keith Ernald Singian, hepe ng Special Task Group Maguindanao na gagamitin nila ang social media sa pangangalap ng impormasyon para mapabilis ang pag-aresto sa nalalabi pang mga suspek.
Sinabi ni Singian na may mga nakarating sa kanilang impormasyon na nagtatago sa teritoryo ng MILF at maging ng Bangsa Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang 92 pang suspek.
Inihayag naman ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu, na ang nalalabi pang suspek ay sinasabing kinakanlong ni MILF 106th Base Commander Datu Itim Ampatuan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr. na determinado ang kanilang puwersa na tugisin at panagutin sa batas ang lahat ng suspek sa Maguindanao massacre at hingin din ang tulong ng mga stakeholders sa Mindanao Peace Process.
Sa tala, nasa 103 ang nasakote habang 92 pa ang tinutugis sa kabuuang 195 suspek sa Maguindanao massacre na naganap noong Nobyembre 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao na magdaraos ng ikatlong anibersaryo sa Biyernes.
Siyam sa mga pangunahing suspek ay nasampahan ng 56 counts ng kasong murder sa Quezon City Regional Trial Court Branch 226 sa sala ni Judge Jocelyn Reyes-Solis.
Kabilang sa mga suspek ay sina Datu Akmad “Toto” Ampatuan Sr., Datu Andal Ampatuan Sr., Datu Anwar Ampatuan, Datu Sajidb Ampatuan, Datu Zaldy “Puti” Ampatuan, Esmael Canapia, Takpan Dilon, Datu Andal “Unsa” Ampatuan at si Datu Anwar Upam Ampatuan alias Ulo.
Samantala, sa 92 pang tinutugis, siyam ay mula sa angkan ng mga Ampatuan, 64 mula sa civilian volunteer organization (CVO), 8 pulis, apat na AFP personnel at pitong iba pa.