Panggigipit ng BI sa mga Chinese tourist, iimbestigahan
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang diumano’y nararanasang panggigipit ng Bureau of Immigration sa mga turistang Chinese na nais magtungo sa Pilipinas.
Sa Senate Resolution 897 na inihain ni Pimentel, ipinunto nito ang sulat ng Philippine-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (PCCCI) kay Vice President Jejomar C. Binay noon pang nakaraang taon kung saan ipinarating ng business group ang diumano’y “indiscriminate at arbitrary exclusions” ng mga Chinese nationals sa mga international airports ng Pilipinas na nagiging dahilan para hindi makapasok sa bansa ang mga turistang Chinese at investors.
Mismong ang embahada na umano ng People’s Republic of China ang nagparating sa Department of Foreign Affairs ng tungkol sa “numerous exclusions” ng kanilang mga mamamayan na gustong pumasok sa bansa pero ginigipit ng ilang opisyal ng immigration.
Ayon pa sa senador, walang due process sa ginagawang pagbabawal ng mga immigration officers na papasukin sa Pilipinas ang mga turistang Chinese gamit ang Section 29 ng Philippine Immigration Act of 1940 kung saan tinatalakay ang “persons likely to become public charge”.
May ulat din umano na ilang opisyal ng Bureau of Immigration ang humihingi ng halagang $1,000 o P50,000 bawat turista kapalit ng escort service sa kanila.
- Latest