Online campaign vs ‘1000% tax hike senators’, ilulunsad

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Philtobacco Growers Association, organisasyon ng mga magsasaka ng tobacco sa bansa na maglulunsad sila ng online campaign laban sa mga reeleksiyunistang senador na susuporta sa panukalang 1,000 porsiyentong tax hike sa mga lokal na sigarilyo.

Ayon sa grupo hindi lamang sa lansangan dadalhin ng mga magsasaka at kanilang pamilya ang protesta laban sa 1,000% tax hike kundi maging sa internet o social media.

Balak umanong hikayatin ng grupo ang mga botante na iboykot ang mga senador na tatakbo sa 2013 at magsusulong ng mataas na buwis sa sigarilyo.

Ipinabatid na ng Philtobacco Growers Association sa kanilang grupo na ia-activate nila ang website na www.senator1000.com  kapag pumasa ang panukala ni Senator Franklin Drilon na magreresulta sa 1,076 porsiyentong tax hike.

Ayon kay PTGA spokesperson at tobacco grower Asuncion Lopez, ang mga murang sigarilyo na may 65 porsiyentong share sa merkado ang pinakamatinding tatamaan sa panukala ni Drilon.

Tatawagin din umano ng grupo ang mga senador na susuporta sa panukala ni Drilon na “1,000% Tax Hike Club”.

Ang online drive ng grupo ay ilulunsad sa gitna ng “face-to-face” campaign ng mga miyembro at supporters ng  PTGA na patuloy na namamahagi ng mga leaflets at pos­ters, at nagdaraos ng mga rallies sa ilang lugar sa bansa.

Sumali na rin umano sa kampanya ng mga magsasaka  maging ang mga local tobacco leaf buyers na Trans-Manila Inc. at Universal Leaf Philippines.

Bukas, araw ng Lunes ay sisimulan na ang pagdinig sa Senado kaugnay sa pag amyenda sa Drilon sponsored sin tax bill.

Ayon kay Pepito Rocutan, vice-chairman ng Philippine  Tobacco Growers, magbabatay sa deliberasyon ng senado ang mga tobacco farmer na residente ng  Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Isabela, La Union, Cagayan Valley, at Pangasinan.

Kabilang umano sa mga minarkahan ng mga taga-Norte ang mga reelectionist Senators na sina Alan Peter Cayetano, Aquilino Pimentel III at Antonio Trillanes IV dahil sa diumano’y kawalan ng pagmamalasakit sa mga magsasaka ng tabako.

Ang tatlong senador ay tumanggi umanong makipag-dayalogo sa mga magsasaka sa Senado bago simulan ang debate sa Drilon bill.

a

Show comments