MANILA, Philippines - Naghain kahapon ng mosyon ang panig ng Comelec-DOJ prosecution team sa Pasay City Regional Trial Court na humihiling na tanggalin na sa pagkakakulong sa PNP Detention Center sa Camp Crame, Quezon City si dating election supervisor Lintang Bedol at ilipat sa ordinaryong kulungan.
Sa argument ni Asst. State Prosecutor Maria Elvira Herrera kay Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112, wala nang pangangailangan na manatili si Bedol sa Crame dahil nabuno na nito ang sentensya na ipinataw ng Comelec sa contempt dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa imbestigasyon sa dayaan noong 2007 senatorial elections.
Kasama ni Bedol sa kasong electoral sabotage sa naturang korte sina Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. Naglaho ito noong nakaraang taon makaraang atasan ng Comelec na tumestigo sa naganap na dayaan hanggang sa kasuhan ng contempt at mahatulan ng pagkakulong ng anim na buwan noong Hulyo 2011.
Tulad ng inaasahan, pinalagan ng abogado ni Bedol na si Atty. Reynaldo Princesa ang mosyon ng Comelec dahil sa magiging katumbas umano ito ng “death sentence” sa kanyang kliyente kung ikukunsidera ang napakaraming pagbabanta sa buhay na natatanggap nito.