Halaga ng multa sa traffic violation sa MM isa na lang

MANILA, Philippines -  Simula sa Enero 2013, isang halaga na lamang ang sisingilin ng bawat lungsod at munisipalidad sa Metro Manila sa bawat traffic violation ng mga motorista.

Ito’y makaraang apru­bahan ng Metro Manila Council (MMC) sa kanilang pulong kahapon ang pagpapatupad ng “harmonized traffic fines and penalties” kasunod ng ipinatupad na “unified traffic ordinance violation receipt” noong nakaraang Marso 1.

Sa ilalim ng UTVR, isang uri ng tiket na lamang ang ginagamit ng lahat ng traffic enforcers sa Metro Manila kung saan kikilalanin ito ng ibang lungsod na dara­anan ng nahuling moto­rist. Sa kabila nito, nagkakaroon pa rin ng kalituhan dahil sa magkakaiba ang presyo ng multa bawat lungsod.

Sa resolusyong ina­prubahan kahapon, sinabi ni MMDA Asst. Manager for Operations Atty. Emer­son Carlos na magiging pare-pareho na lamang ang halaga ng multa upang hindi na malito ang mga motorista lalo na ang mga transport groups.

Sinabi ni Carlos na sa 17 lungsod at munisi­pa­lidad, ang Caloocan City ang nagpapataw ng pina­ka­mataas na multa sa mga lumalabag sa batas trapiko sa Metro Manila.

Nilinaw naman ni Car­los na hindi kabilang sa na­pagkasunduan ang pa­rehas ding multa na ipapataw ng Land Transportation Office (LTO) lalu na’t wala namang kinatawan ang naturang ahensiya nang magpulong ang technical working group na bumalangkas sa magkakahalintulad na multa.

Samantala, pormal na binuksan na rin kahapon ng Metropolitan Manila De­velopment Authority (MMDA) ang dalawang bike lanes sa Maynila.

Show comments