MANILA, Philippines - Binalaan ng Department of Education (DepEd) ang mga teaching at non-teaching personnel nito na huwag magpabiktima sa mga investment proposals na mas malamang umano ay pawang scam lamang.
Pahayag ito ni DepEd Sec. Armin Luistro matapos mabiktima ng Aman Futures Group Philippines Inc. ang libu-libong katao mula sa Visayas at Mindanao, kabilang na ang isang teacher na umano’y nagpakamatay matapos ipasok ang retirement pay sa Aman.
Ayon kay Luistro, dapat na maging maingat ang publiko laban sa mga pyramiding syndicates na madalas makapambiktima sa pamamagitan nang pag-aalok ng mas mabilis at mas malaking tubo sa kanilang pera.
Inihalimbawa nito ang isang investment sa salapi na kikita agad ng 50 porsiyento kada linggo o kada buwan, na ayon aniya sa mga financial experts ay napaka imposible.
Isa sa mga modus ay ang paghikayat sa mga guro na mag-deposito ng pera sa bangko at iprisinta ang deposit slip bilang proof of enrolment sa naturang scheme. “The teacher will then be left empty-handed,” ani Luistro.
Mayroon pa nga aniyang nangyari sa Commonwealth High School sa Quezon City kung saan may mga guro na nag-invest ng pera na iaawas sa kanilang buwanang sweldo.
Sinabihan umano ang mga ito na ang naturang investment ay may probisyon sa loan application ngunit nang mag-loan ang mga guro ay hindi naman sila nabigyan dahil kulang daw ang kanilang kontribusyon.
Nang hilingin naman ng mga ito na i-refund na lamang ang kanilang kontribusyon ay hindi rin sila napagbigyan.