MANILA, Philippines - Libong miyembro ng Buklurang Manggagawang Pilipino-NCR-Rizal ang muling nagmartsa sa Senado at naglatag ng tatlong kabaong bilang protesta kaugnay sa umano’y pagbabalewala sa kahilingan ng mga manggagawa na ibasura ang pahirap na sobrang pagtaas sa sin tax.
Ang tatlong ataul ay nagsisimbulo umano ng galit nila sa mga Senador dahil sa pagiging tikom ng bibig sa panawagan ng grupo na ibasura ang planong sobrang singil sa sin tax na siyang manggigipit sa maralitang manggagawa o urban poor na umaasa na baryang kinikita sa pagbebenta ng produktong tabako at alcohol sa sari-sari store at lansangan.
“Ilang araw na kaming nagrarali kada may sesyon sa Senado upang iparating sa mga Senador ang tinig ng mga maliliit na mamamayan, ang pagtutol sa pagpapataw ng isang kontra-mahihirap na batas. Inulan at inaraw na kami ngunit ni isa man sa mga Senador ay walang lakas ng loob na harapin o pakinggan man lang ang aming mga sinasabi,” pahayag ni Anthony Barnedo, secretary general ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML-NCRR).
Ang BMP NCRR, isa sa tagapagbuo ng alyansang Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART) ay nagsimulang maglunsad ng mga pagkilos sa harapan ng Senado buhat ng magsimula ang deliberasyon para sa sin tax bill.
Sa protesta, sinilaban ng grupo ang tatlong kabaong bilang simbulo ng pagkatupok ng mga ilusyon ng masa sa Senado bilang institusyon at ang deklarasyon ng tuloy-tuloy at papatindi pang laban sa mga darating pang mga araw.