MANILA, Philippines - Sa gitna ng pag-usad ng sin tax bill sa Senado, kinuwestiyon ni Senator Ralph Recto ang diumano’y “bloated figures” ng Department of Finance sa panukalang batas na naglalayong madagdagan ang buwis sa alak at sigarilyo.
Ayon kay Recto, hindi siya makapaniwala sa assumptions ng DOF na ang mga smokers ay mag-u-upgrade o bibili ng mas mahal na sigarilyo sa sandaling itaas ang buwis.
Naniniwala si Recto na matatawag na “flawed assumptions” ang target na incremental revenues sa excise tax ng alak at sigarilyo.
Paniwala ni Recto mas tatangkilikin ng mga consumers ang mas murang sigarilyo sa sandaling tumaas ang presyo ng brand na kanilang ginagamit.
Pero sa scenario umano ng DOF na naglalayong itaas sa P40 bilyon ang buwis mula sa tobacco excise tax, ang mga smokers ay magpapatuloy sa kanilang bisyo at bibili ng mas mahal na sigarilyo.
Ipinaliwanag pa ni Recto na ang tax category sa premium at imported brands ay tinatawag na “phantom tier” dahil hindi naman nakakapagkolekta ng sapat na buwis sa nasabing produkto.
Idinagdag ni Recto na ang premium imported brands ay may zero market share sa ilalim ng excise tax system.