MANILA, Philippines - Nag-inhibit si Supreme Court (SC) Associate Justice Diosdado Peralta sa paghawak ng P366 milyon na Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) fund scam na kinasasangkutan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang opisyal ng ahensiya.
Ayon kay Peralta, nais nito na maging patas at magpakita ng delicadeza sa nasabing usapin.
Giit ni Peralta, bayaw din nito si Atty. Cornelio Aldon, ang tumatayong legal counsel ni dating PCSO Board of Directors Raymundo Roquero sa isinagawang Senate investigation hinggil sa PCSO fund scam.
Napag-alaman na si Roquero ay co-accused sa nasabing kaso na tumatayo ring pestisyuner bago ang 15-man tribunal.
Kaugnay nito, si Roquero ay tatakbo bilang congressman sa Antique at running mate nito si Atty. Aldon na tatakbo naman bilang gobernador sa nasabing lalawigan.
Sa kaniyang petisyon noon, una ng hiniling ni Arroyo na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction ang SC laban sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Sandiganbayan sa kasong plunder laban sa kanya.
Nahaharap din sa kaparehong kaso ang mga dating opisyal ng PCSO na sina Rosario Uriarte, Benigno Aguas, Sergio Valencia; Manuel “Manoling” Morato, Jose Taruc 5th, Maria Fatima Valdez; at Reynaldo Villar.