Bangkay sa tanker blast sa Saudi, hindi Pinoy
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagkamali ang unang pagtukoy na bangkay ng isang Pinoy truck driver ang isa sa 22 patay sa pagsabog ng fuel tanker sa Riyadh, Saudi Arabia noong Nobyembre 1.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Asec. Raul Hernandez, lumalabas sa isinagawang DNA testing ng Saudi authorities na isang Syrian national ang bangkay na unang tinukoy na isang Pinoy na si Florentino Santiago.
Base sa report ni Ambassador Ezzedin Tago ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, isa pang hindi kilalang bangkay ang sumasailalim ngayon sa DNA testing at hinihinalang ito na ang bangkay ni Santiago.
Sinabi ni Hernandez na hinihintay pa nila ang resulta ng pagsusuri sa nasabing mga labi kung mag-match ito bago makumpirma na ito ang katawan ng nasabing truck driver. Hindi pa rin ikinokosidera ng DFA na “missing” o nawawala si Santiago habang inaantay ang resulta ng DNA test.
Bunsod nito tumaas ang pag-asa ng mga kaanak ni Santiago sa Pilipinas na maaaring buhay pa ang nasabing OFW.
May 22 katao ang patay habang 135 pang sugatan kabilang ang 14 Pinoy sa pagsabog ng fuel truck na minamaneho ng isa pang Pinoy na si Ruben Kebeng na nananatiling nasa kustodya ng Saudi Police para sa imbestigasyon.
- Latest